Huling Programa
SPOKEN WORD
Gabriel Rugas
8/13/20251 min read


Ilang minuto lang naman ako tatayo dito sa harap, kaya kung okay lang sa inyo
Tara usap muna tayo kasi meron lang naman ako gusto ikwento
Gusto ko lang ibahagi itong libro na nadiskubre ko noong taong 2021
Kung saan noong una sa totoo lang, napaisip pa ako anong gagawin ko dito at wala naman itong laman
Oo, aaminin ko
Na noong simula hindi ko naunawaan ang halaga ng aklat na ito
Isang libro na kala mo may mahika
Dahil kada araw bigla bigla nalang nadadagdagan ang sulat sa kada pahina
Mga letra, salita, pangungusap, at talata
Na paiba-iba ang sulat kamay na makikita
Dahil sa kontekstong ito, hindi ako o ikaw ang mambabasa
Ako, ikaw, tayo ang mga manunulat na bumubuo sa storya
Isang storya na matapos ang isang buwan masusulat na ang huling kabanata
Dahil sa susunod na paglipat ng pahina ng kalendaryo magaganap na ang ating huling programa
Isang programa na sinisimbolo pareho ang simula at wakas
Dahil kasabay ng mga pagkakataon na magbubukas
Ang dahan-dahang pagsara ng aklat na natiling bukas ng apat na taon
Oo, talagang malapit na tayo sa linyang tinatawag na konklusyon
Pero hindi naman ibig sabihin na dapat tayo malungkot dahil hindi naman katumbas ng salitang katapusan
Ang karimlan
Kasi oo
Itong libro na pinaghahatian natin ay hindi naman todo polido
Natural lang naman maiwan ang mga marka ng mga salitang burado
Matira ang mga maduduming bakas na tawagin nalang nating bahido
Pero kung ako ang tatanongin niyo, sa bandang huli storya natin ito
Kaya para sakin sapat na iyon para tawagin ito na perpekto
Oo, malapit na tayo sa puntong tinatawag nating katapusan
Para sa storyang tumagal lang ng apat na taon napakarami nating ibat ibang bagay na napagdaan
Kaya bago tuluyan sumara ang mga kurtina at mamatay ang mga ilaw na nagbibigay liwanag sa entablado
Gusto ko lang gamitin ang pagkakataon na ito para sabihin ang mga salitang “nagpapasalamat ako”
