Kalawakan
SPOKEN WORD
Gabriel Rugas
1/1/20183 min read


Muli nanamang lumipas ang paglubog ng haring araw
Sa wakas oras na para magpakita ang mga bulalakaw
Ikaw nasubukan mo na bang tumingala sa himpapawid at tumingin
Mamangha sa mga kumikinang na bituin
At bigla mong bibigkasin ang iyong mga mithiin
Ito ay isa nang nakasanayang gawain
Pero kailangan mong itatak sa isipan mo
Na hindi lahat ng bitiun ay tulad ng iyo
Dahil ang bawat estrelya na pinagmamasdan mo
Ay may nilalaman na kwento
Mga kwento na hindi naman laging positibo
Habang ang mga tala ay matahimik mong pinapanuod
Ang ibang taong nakapaligid sa iyo ay unti-unti nang nalulunod
Hindi dahil sa tubig na umaagos
Kundi dahil sa baha ng problema na sa mundo nila’y hindi nauubos
Alam mo sa totoo lang maswerte ka
Dahil hindi mo nararanasan ang nararanasan ng iba
Maswerte ka dahil hindi naririrnig ng mga tainga mo
Ang mga ingay ng mundo
Maswerte ka dahil hindi nasasagap ng iyong mga mata
Ang kadiliman na bumubulag sa iba
Maswerte ka dahil hindi nalalasahan ng iyong dila
Ang pait na natitikman nila
Alam mo ba, iyang bagay na mayroon ka
Iyan ang kayamanan na hinahanap hanap ng iba
Pero ang nakapagtataka
Sa dinamirami ng tao sa mundo sa iyo pa ito napunta
Kahit hindi mo naman alam ang tunay nitong halaga
Nagsasayang ka lang na isa madalang na biyaya
Pero hindi naman pwede
Na puro ganito ang mangyayri
Kaya isantabi na muna natin ang nakasanayan
Itigil mo na iyang pakikipagusap mo sa kawalan
At sa akin kanaman makipag kwentuhan
Dahil sigurado ako na may mga bagay kapang hindi nalalaman
Ngayon ikwento mo saakin kung gaano kasaya ang mga panaginip mo
At ikukwento ko sayo ang mga bangungot ng mundo
Ikwento mo sa akin kung ano ang iyong mga hangarin
At ikukwento ko sayo kung ano ang aking mga panalangin
Ikwento mo sa akin kung ano ang mga paborito mong gawin
At ikukwento ko sayo ang mga problemang gusto kong saluhin
Ngayon tatanungin naman kita
Kung alam mo nga ba talaga
Ang ibig sabihin ng buhay
Dahil hindi naman lahat ng pinaniniwalaan mo ay tunay
Habang kinukumutan ka ng kumikinang na kalangitan
Habang namamangha ka sa mga talang nakasaboy sa kalawakan
Hindi mo alam ang mga talang ito
Ay unti nang nababawasan kada segundo
Dahil gaano man katalas ang mga mata mo
Hindi mo parin makikita ang lahat ng nakapalibot sa mundo
Tandaan mo hindi lang naman bituwin ang nakalutang sa himpapawid
Nandiyan rin ang mga ulap na nagsisilbing balakid
Hanggang sa ang maliwanag mong kalawakan
Ay magmistulang dagat ng kawalan
Sa totoo lang hinahangad ko parin na ang lahat nang nangyayari ay isa lamang imahinasyon
Isang masakit na ilusyon
Kung saan namamayani ang kadiliman
At naisantabi ang katotohanan
Isang nakakatakot na imahinasyon
Kung saan ang adiksyon
Ay nagdulot ng pagdilim ng isang libo't walong daang bituwin
Na dahil sa maling pagtingin
Dumumi lang ang dating magandang tanawin
Pero ang hindi natin akalain
Ay meron palang limampu’t walong estrelya na bumagsak sa may tuktok
Ng mataas na bundok
Mga bituwin na gusto lamang ipahayag ang kanilang saloobin
Pero hindi nila akalain na ganoon ang kanilang aabutin
Kaya ang dating bundok na pinalilibutan ng katahamikan
Ngayon ay pinaninirahan na ng katotohanan
Kaya hanggang ngayong pinagdadasal ko parin na tumigil na ang mga ilusyon
Pero hanngang hindi pa sumasagot ang may poon
Kailangan kong tanggapin na hindi ito imahinasyon
Ito ang ating sitwasyon
Kaya tutulungan kita gumisng
Mula sa bangungot na ayaw umalis sa iyong piling
Dahil iyang tinatawag mong katotohan
Ay isa lamang malaking kasinungalingan.....
Kaya naman gumising ka
Dahil Oras na
Para simulan mo ang paglalakbay mo patungo sa bundok
Hindi dahil sa mga sikretong nilalaman nito kundi dahil kailangan mo maabot ang tuktok
Oo nakakatakot
Dahil ang dating diretsong daan ngayon ay pasikot sikot
Pero ipagpatuloy mo ang iyong paglakad
Dahil naghihintay sa may taas ang iyong hinahangad
At pag nakarating kana destinasyon mo
Agad-agad mong itingala ang iyong ulo
Mas malapit kana sa kalangitan malay mo
Makita mo na rin sa wakas lahat ang nilalaman nito……
Ang sarap sa pakiramdam no
Tahimik ang paligid, walang nanggugulo sa iyo
Pero wag kang masyadong pakakampante
Dahil hindi sa lahat ng oras ang katahimikang iyan ay nasa iyong tabi
Darating din araw
Kung saan ang liwanag ng iyong langit ay papanaw
At ang paligid ng iyong mundo ay magkukulay itim
Habang ang iyong paningin ay dahan-dahan nang dumidilim
Bigla ka na lang mapapaupo sa gitna ng kawalan
Habang ang mga mata mo ay nakatitig sa walang katapusan
Tsaka mo lang maiintindihan
Ang tunay na kahulugan ng katahimikan
Pero pag umabot kana sa sitwasyong ito
Hindi mo kailangan matakot buksan mo ang mga mata mo
At muli kang tumingala at tumingin sa taas
Dahil tatandaan mo na gaano man kadilim ang paligid tuwing sumapit na ang gabi hindi parin ito sapat para takpan ang mga bakas
Ng mga bituwin na nakakalat sa kalangitan
Na nagbibigay liwanag sa iyong kalawakan